Mabuting tantuin na nagiging ugat ng malalimang pag-iisip ng tao ang bawat bagay na kanyang dinaranas sa kanyang pamumuhay at kasama na rito ang kanyang mga nararamdamang pasakit at karamdaman. Kung ilalagay ito sa konteksto ng pagkakakilanlan ng tao na mayroon siyang isang Diyos, hindi ba magiging isang malaking kabalintunaan ang pag-iral ng magkalihis na konsepto ng pagmamahal at kabaitan ng Diyos at ang paghahari ng mga pasakit sa mundo. Hindi ba ang huling konsepto ang mas nararanasan ng tao? Sa kalagayang ito, pinasisinungalingan ba ang pag-iral ng Diyos o isa ba itong pagsasabi na hindi ganoon kaganap ang kapangyarihan ng Diyos, o isa itong paraan ng Diyos na ipakilala na Siya ay Siya nga sa kontekstong hindi kayang basta saklawin lamang ng pag-iisip ng tao ang kabuuan? Subukan nating tahakin ang huli, ang landas na tinahak ni Clive Staples Lewis.
Nagkakamali ang tao sa pananaw na magkapareho ang konteksto ng tao at ng Diyos sa pagtatamasa ng pag-ibig at kabutihan. Ito ang dahilan kung bakit kapag nakaranas na ng mabibigat na suliranin ang mga tao, may ilang abot-langit ang batong-sisi sa Diyos. Sa kabila ng lahat, ang muling pagkamulat ng ugnayan sa isang lumikha ang isa rin sa maaring kahinatnan ng mga pasakit. Ipinauubaya ng Diyos sa ayaw Niyang saklawang kalayaan ng tao ang pagpapasya. Sa puntong ito, ipinapakitang muli na sapat ang konsepto ng kabutihan ng Diyos upang mula sa pasakit, na masama kung titingnan sa mababaw na pananaw, magmula ang isang mas nakakataas na kabutihan. At para kay C. S. Lewis, ganyan ang pagmamahal ng Diyos na nagmumula sa kabutihan na huwag pabayaang maglunoy ang tao sa kamalian. Higit sa lahat, tinitingnan ang bawat pasakit na nararanasan ng tao na isang bagay na maglalapit sa kanya sa Diyos.
Noong musmos pa lamang ako, pinangarap kong magpunta sa bituing lagi kong tinitingan kapag gabi. Sabi kasi ng nanay, nasa bituing nagpapapansin sa akin ang isang anghel na tagapagtanod at gusto ko sana siyang puntahan. Lumipas ang mga taon at unti-unti kong binibitawan ang pangarap na ito hindi lang dahil sa pagkakatuto sa kawalan ng posibilidad na makapunta ako doon ngunit pati na rin sa pagkatakot na wala na rin pala doon ang hinahanap ko. Bakit ba may mga taong matapos makaranas ng isang matinding bugso ng pasakit ay sinisi ang Diyos o ayaw ng maniwala sa Diyos? Sa tingin ko ay nakaugat ang lahat sa pagkatakot, isang pagkatakot na habang napapalapit siya sa Diyos sa bawat oras na mararamdaman niya ang masasakit na karanasan ay noon pa niya unti-unting malaman na wala naman palang Diyos. At sa aking palagay, ito ang pinakamasakit, ang umasa ka na may Diyos at sa huli malaman mo na wala naman pala o wala ka ring ugnayang maasahan sa Kanya.
Mula rin sa karanasan at ang kakayahang mag-isip, nagagawa ng taong tumahi ng mga kuro-kuro na maaring tanggapin ng nakararaming tao na isang katotohanan sa paglipas ng panahon. Saan nga ba nakasalalay ang katotohanan, sa taong nag-iisip ba o sa bagay na akala ng taong alam niya? Ang kapangahasan ng tao na angkinin ang katotohanan sang-ayon sa kanyang pagdanas ay umabot maging sa hangganan ng ugnayan ng Diyos at ng tao. At sa aking palagay, ninais din ng Diyos na masilayan ng tao ang bahagya Niyang katotohanan para hindi bumitiw ang tao sa kabila ng mga pasakit na kanyang nararanasan sa pag-asa na mayroon ngang isang Diyos.

No comments:
Post a Comment