Monday, September 15, 2008

Damot ni Lord

Alam ko na di aproriate sabihin pero feeling ko, ang damot ni Lord sa akin… Sabihin man ng iba na tampo lang ito dahil may mga bagay na kahit na anong dasal ko, di ko nakukuha pero hindi naman ako kasing babaw ng materyal na bagay… Ang hindi ko lang talaga malubos maisip minsan ay kung bakit sa dinami-rami ng taong masaya dahil may kasama sila na mahal din sila, naiiwan ako sa kangkungan at tapunan ng mga tinatawag na loveless.
Hindi naman dahil lang sa wala pa akong naging seryosong relasyon sa ilang taon na ding nakalipas. Di ko lang talaga maisip kung bakit tuwing may pagkakataon na nahuhulog ang loob ko sa isang tao, para namang bulang nawawala yung tao na yon sa buhay ko. Hindi ko alam kung hindi lang ako marunong mamili ng tama o may mali sa akin pero mas madalas pa ding mangyari na kung kailang nandoon na sana, bigla na lang mawawala.
Di ko din talaga alam kung may nagsumpa sa akin na huwag maging masaya ang lovelife. Hindi ko rin alam kung karma na nga ang tawag dito, bayad lang sa dami ng di ko pinansin dati o kaya, bigla ko na lang binitawan. Ang totoo, naguguluhan ako sa mga bagay-bagay. Kung di lang din naman ako magiging pari, ayoko namang tumandang binata. Nangangarap pa din naman akong magkapamilya at magkaroon ng tahimik at magandang buhay kasama ng magiging asawa at mga anak ko. Siguro, malupit lang talagang maglaro ang tadhana sa akin.
Kung alam lang siguro ng ibang tao na gugustuhing maging katulad ko ang kalagayan ng isang taong kagaya ko, baka hindi na nila asamin pa. Gusto ko lang din namang makahanap ng isang taong bubuo ng araw ko. Alam mo naman na kung ano ang ibig sabihin non. Yun tipong kukulayan niya ang black and white na mundo ko.
Siguro nga nung nagpamudmod si God ng lovelife, tulog na naman ako. Pero kahit saan ko tingnan, mukhang di pa rin patas. Ako naman si tanga, sumasabay lang sa lukso ng panahon at pagkakataon. Kahit gaano pa katamis ang imported na chocolate, bitter pa din ako dahil ako lang mag-isa ang kumakain.. Maliban na lang kung makokonsensya akong magshare sa mga kaboard-mate ko. Pero iba pa din kung ang kasama mong kumakain ay yung taong mahal mo. Yun tipong kahit hindi kayo mag-usap, basta ang alam niyong dalawa, nagkaka-intindihan kayo. Ang layo na rin ng narating ko sa buhay ko at aminado ako na ilang taon na lang at mapapaso din ang kabataan ko kahit sabihin pa nilang bata pa din naman ako. Ayaw ko lang dumating yung panahon na sisishin ko ang sarili ko kung bakit hanggang kamatayan ko, mag-isa ako. Sa tingin ko, nakakatakot yon. Mas higit pa sa takot na pwede kong maramdaman oras na nalaman kong hindi totoo lahat ng pinaniniwalaan ko. Mas higit pa din sa takot ko na pumalya sa mga bagay na pinagtutuunan ko ng pansin.
Mahirap bang intindihin na masakit ding ulit-ulitin sa isip mo na baka hindi ka puwedeng mahalin ng taong mahal mo? Mahirap din bang unawain na mahirap tiisin ang labis na katahimikan ng taong minamahal mo> Hindi ko alam kung hanggang kalian ko dapat sanayin ang sarili ko na huwag masaktan. Hindi ko din alam kung possible nga bang maging manhid sa mga oras na kinakain ka na ng nararamdaman mo para lang pigilan pigilan ang sarili mo na huwag kung ayaw mong magsisi sa bandang huli.
Isa akong bulag na nilalang na ninanasang makakita muli ng tunay na pag-ibig. Hindi maaring mangyari yon kung ako lang ang nagmamahal. Hindi ko naman puwedeng ibuhos lahat ng pagamamahal sa sarili ko lang. Granted na rin naman na mahal ko talaga ang nanay, tatay at kapatid ko. Pero kulang pa din. Di ko alam kung masyado lang akong mapagmahal na nilalang o nagdedeliryo lang ako sa ideya ng pag-ibig.
Kung hanggang ailan ko matitiis ang sitwasyon? Sa totoo lang, hindi ko alam. Puwedeng hanggang bukas o sa isang lingo. Puwede din na sa isang buwan o sa isang taon. Baka puwede din na hanggang tumanda ako. Huwag lang sana na hanggang mamatay ako.
September 1, 2008
9:35 pm

No comments: